MANILA, Philippines — Nakatakdang magsagawa ng malawakang protesta ang mga lider ng iba’t ibang relihiyon at civil society organizations sa Disyembre 9, kasabay ng International Anti-Corruption Day, upang manawagan ng pananagutan sa mga sangkot sa korupsyon sa bansa.
Pangungunahan ng Interreligious Leaders Council for National Transformation, sa pamumuno ni Bishop Colin Bagaforo, ang tinaguriang Nationwide Indignation Rally Against Corruption, kasama ang mga lider ng Katoliko, Protestante, Evangelical, Muslim at Orthodox communities.
Ayon kay Fr. Tony Labiao, executive director ng White Ribbon Movement, layunin ng pagkilos na muling palakasin ang kamalayan ng publiko at hikayatin ang mga mamamayan na patuloy na manindigan laban sa korupsyon.
“Iyan ang pagbabalik ng pagmumulat sa mga tao na huwag manahimik sa patuloy na nangyayaring korupsyon sa ating bayan,” ani Labiao.
Binanggit din niya ang mga kuwestiyonableng pagdaragdag umano ng pondo o budget insertions sa panukalang 2027 national budget, batay sa pagsusuri ng People’s Budget Coalition.
Iginiit niya ang pangangailangang bantayang mabuti ang pagtalakay ng Senado sa panukalang badyet upang matiyak ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Nilinaw naman ni Labiao na hindi dapat idamay sa mga alegasyon ng korupsyon ang lahat ng opisyal ng pamahalaan, lalo na ang mga tapat na lingkod-bayan.
Aniya, mahalagang matukoy at mapanagot ang mga indibidwal na mapatutunayang sangkot sa katiwalian.
“Hindi lang pag-akusa o pag-file ng kaso at ibilanggo ‘yung tao. Kailangan din ng retribution — ibalik ang mga ninakaw na pera sa bayan,” pahayag niya.
Binigyang-diin ni Labiao na hindi sapat ang pagpaparusa sa mga mapatutunayang nagkasala dahil kailangan ding mabawi ang pondong nawala sa korupsyon upang magamit sa mga serbisyong pampubliko at pagtugon sa kahirapan.
Dagdag pa niya, hindi dapat matapos sa isang araw na protesta ang kampanya laban sa katiwalian.
Kailangan aniyang ipagpatuloy ang edukasyon, pakikilahok at pag-oorganisa sa mga komunidad, partikular sa mga kabataan, upang mapalakas ang pagbabantay ng mamamayan sa paggamit ng pondo ng gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden