MANILA, Philippines – Matibay pa rin ang kaso laban sa mga suspek na nasa likod ng mga nawawalang sabungero kahit pa hindi na marekober ang mga labi nito.
Ito ang iginiit ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Jose Dominic F. Clavano sa pagsisimula ngayong araw ng paghahanap ng mga labi ng mga sabungero sa Taal Lake sa Batangas.
“Conviction is still possible without producing the body as long as you prove the fact of death in court,” ani Clavano.
Una nang sinabi ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas Totoy na itinapon sa Taal Lake ang katawan ng mga pinaslang na sabungero.
Aminado si Clavano na malakas na ebidensya sa korte ang makuha ang mga labi, ngunit marami pa rin aniyang paraan upang patunayan na pinaslang ang mga ito gaya ng mga larawan at video ng pagpaslang.
Binigyang-diin ni Clavano na sa ilalim ng batas, hindi mahalagang mahanap ang katawan ng biktima para patunayan ang krimeng murder.
“This legal principle is consistent with the doctrine of ‘corpus delicti,’ which refers not to the body of the deceased, but to the fact that a crime has been committed,” dagdag ni Clavano.
Ayon kay Clavano, sa ilalim ng batas, ang corpus delicti sa kaso ng murder ay kailangang patunayan na nasawi ang isang tao dahil sa isang krimen. Teresa Tavares