DAVAO del Norte, Philippines – Isang 19-anyos na estudyante ng University of the Philippines Manila ang ninakawan at napatay ng apat na indibidwal sa Barangay La Filipina, Tagum City, Davao del Norte noong Miyerkules, Hulyo 9.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Sophia Coquilla, na nagbabakasyon nang siya ay patayin. Nagtamo siya ng 38 saksak sa kanyang katawan.
Natagpuang wala ng buhay si Coquilla at nakatalukbong ng kumot sa loob ng kanyang silid. Narekober sa silid ang isang pamutol ng damo, bolo, dumbbell, at panyo na ginamit umano ng mga suspek sa pagpatay sa biktima.
Sinabi ni Davao del Norte Police Provincial Office chief Police Col. Alexander R. Serrano Jr. na nangyari ang robbery with homicide incident dakong alas-5 ng umaga.
Sinabi ni Serrano na naglunsad sila ng agarang imbestigasyon at pursuit operation, sa tulong ng impormasyong ibinigay sa tulong ng isang nakasaksi at isang maaasahang impormante, na humantong sa pagkahuli ng dalawang lalaking menor de edad na suspek sa isang boarding house sa Tagum City noong Huwebes, Hulyo 10, wala pang 24 oras matapos ang insidente.
Nahuli ng CCTV camera sa bahay ang pagtakas ng mga suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang mga gamit ng biktima – Apple laptop, iPad, isang wasak na iPhone, at dalawang wristwatches – at isang duguan na “balisong” o butterfly knife at kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa biktima.
Sinabi ni Serrano na patuloy ang manhunt operations laban sa dalawang natitirang suspek.
Ang mga menor de edad na suspek ay itinurn-over sa Women and Children Protection Desk (WCPD) para sa kaukulang interbensyon.
Ang mga piraso ng ebidensya ay dinala sa General Investigation Section para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Pinuri ni Serrano ang mabilis at maayos na pagtugon ng mga operating unit.
“This operation is a clear demonstration of DNPPO’s swift and unwavering commitment to justice. We will not rest until all those responsible are held accountable,” saad niya.
Magsasagawa ng autopsy upang matukoy ang eksaktong dahilan ng pagkamatay.
Ang pamilya, mga kaibigan, kaklase, at ang kanyang high school ay nagluksa at umapela para sa mabilis na hustisya para sa kanyang pagkamatay. RNT/MND