Home NATIONWIDE P1.49B irrigation system sa Ifugao pinasinayaan ni PBBM

P1.49B irrigation system sa Ifugao pinasinayaan ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes ang kahalagahan ng patubig sa pagpapataas ng ani at kita ng mga magsasaka nang kanyang pinasinayaan ang P1.49 bilyong Alfonso Lista Pump Irrigation System (ALPIS) sa Ifugao na magbibigay ng patubig sa 2,300 ektarya ng sakahan kung saan makikinabang ang 1,315 magsasaka.

Matatagpuan sa Barangay Sto. Domingo, Alfonso Lista, ang proyekto na magsisilbi sa apat na barangay. Inaasahang tataas ang taunang produksyon ng palay mula 900 metriko tonelada tungo sa 26,000 metriko tonelada, at tataas din ang pinagsamang taunang kita ng mga magsasaka mula Php16 milyon hanggang Php159 milyon.

“Pinakamahalaga sa pagsasaka ay ang patubig. At malaki ang pagbabago kapag yung non-irrigated areas ay nagawa natin ang paraan na maipapatubig,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na patuloy na magtatayo ang pamahalaan ng mga pasilidad ng patubig, kabilang ang mga solar-powered irrigation system, upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang produksyon sa kabila ng tagtuyot.

“Patuloy ang inyong pamahalaan. Asahan ninyo na kami ay nandito upang maghanap ng lahat ng kayang magawa upang pagandahin ang buhay ng ating magsasaka,” dagdag ng Pangulo.

Bahagi ang proyekto ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na palawakin ang mga sakahang may patubig, pataasin ang produksyon ng agrikultura, at palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here