MANILA, Philippines – Aprub kay Navotas Rep. Toby Tiangco ang pagpapalawak ng VAT exemption sa mga essential medicine, na aniya’y patunay na ang tax policies ng administrasyong Marcos ay nagdadala ng tunay na benepisyo sa mamamayang Pilipino.
Ito’y kasunod ng anunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na 19 na karagdagang gamot para sa cancer, diabetes, hypertension, cholesterol, kidney disease, tuberculosis, at mental health ang idinagdag sa listahan ng mga VAT-exempt products.
“Ang VAT exemption na ito ay patunay na kumikilos ang pamahalaan upang matiyak na may pantay na access ang bawat Pilipino sa mga gamot na makapagliligtas ng buhay,” ani Tiangco, kasabay ng pagbanggit sa papel ng CREATE MORE law sa pagpapabilis ng pagproseso ng VAT exemption sa mga produktong pangkalusugan.
Binanggit niya na dapat laging isentro sa kapakanan ng taumbayan ang mga polisiya sa buwis. “What we’re seeing today are the results of tax reforms that truly prioritize the needs of ordinary Filipinos,” dagdag niya.
Hinimok din ni Tiangco ang publiko na i-report sa BIR ang mga pharmaceutical companies at botikang hindi sumusunod sa VAT exemption sa pamamagitan ng [email protected]. Jojo Rabulan