Home NATIONWIDE “Walang Gutom” beneficiaries pasok sa P20/kg bigas

“Walang Gutom” beneficiaries pasok sa P20/kg bigas

261
0

MANILA, Philipines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na makakabili na ng P20 kada kilong bigas ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kasunod ng estratehikong partnership sa DA sa ilalim ng inisyatiba ng Kadiwa ng Pangulo.

Ayon sa Department of Agriculture, ang kolaborasyon na binansagang “Benteng Bigas, Meron na sa WGP” ay susi sa anti-hunger campaign ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na layuning gawing accessible at abot-kaya ang pagkain para sa mga mahihirap na pamilya.

Ang opisyal na paglulunsad ay isinagawa sa food redemption activity sa Morsac Basketball Court sa Barangay 69, Tondo, Manila, kung saan binigyang-diin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang epekto ng inisyatiba.

“Sa pamamagitan ng partnership na ito, ang mga benepisyaryo ay maaari nang makabili ng P20 per kilo ng bigas na ngayon pa lang magagawa, mula sa DA-accredited retailers at Kadiwa outlets,” ani Gatchalian. “Malaking bagay ito para mapataas ang halaga ng kanilang food credits, at matulungan ang mga pamilya para makakuha ng mas malusog na pagkain.”

Kaugnay nito, kabilang sa mga inisyal na benepisyaryo ay mga solo parent, persons with disabilities (PWDs) na naka-enroll sa programa. Bawat pamilya ay makakatanggap ng P3,000 buwanang food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfer (EBT) cards, na maaari nilang magamit para sa masustansiyang food items batay sa naka-schedule na mga araw ng distribusyon — sa sandaling makumpleto ang itinakdang Nutrition Education Sessions (NES).

Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mabebenipisyuhan ng programa hindi lamang ang mga low-income consumers kundi pati na rin ang mga lokal na magsasaka.

“Ang ating partnership sa DSWD para palawigin ang P20 rice program ni Pangulong Marcos ay makakatulong sa mga pamilyang kapos sa pinansyal at sinusuportahan ang lokal na agrikultura. Bawat nabebentang bag ng bigas ay nagpapaluwag sa bodega ng dalawang sako ng palay na bibilhin ng National Food Authority (NFA) mula sa mga lokal na magsasaka sa patas na presyo,” ani Laurel.

Ang pagsama ng P20 rice ay layuning palawigin pa ang food credits, habang pinapalakas ang food security sa bawat pamilya.

Muling pinagtibay ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista-Guevarra ang suporta ng ahensiya. “Sinisiguro namin sa mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan na mayroong palaging access para sa abot-kaya at masustansiyang pagkain. Malaki ang ginagampanang papel ng Kadiwa stores at accredited na suppliers ng DA sa hakbang na ito.”

Kaugnay nito, ang kolaborasyon ng DSWD-DA ay bahagi ng mas malawak na estratehiyang proteksiyong panlipunan ni Pangulong Marcos upang masawata ang kakulangan sa pagkain at mapagaan ang pressure ng inflation sa mga pamilyang mababa ang kita.

Sa ngayon, ang Walang Gutom Program ay nakapagsilbi na sa mahigit 300,000 pamilya at target na maabot ang 750,000 pamilya hanggang 2028. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here