Home NATIONWIDE Mahigit 1,000, dumagsa sa unang araw ng voter registration sa Luneta

Mahigit 1,000, dumagsa sa unang araw ng voter registration sa Luneta

6
0

MANILA, Philippines – Mahigit 1,000 aplikante ang pumila sa Rizal Park sa Maynila nitong Martes, Nobyembre 10, sa unang araw ng voter registration para sa 2028 National and Local Elections.

Ito ay higit sa unang target na 300 hanggang 400 aplikanteng iproseso sa ilalim ng Special Register Anywhere Program (SRAP) ng Commission on Elections (Comelec).

Karamihan sa mga nagtungo sa lugar ay mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad malapit sa Rizal Park.

Ang special registration sa Luneta ay magpapatuloy hanggang Huwebes, Nobyembre 12.

Samantala, tatagal hanggang Hulyo 30, 2027 ang siyam na buwang voter registration na nagsimula ngayong Nobyembre 10.

Maaaring magparehistro ang mga kwalipikadong botante sa mga lokal na tanggapan ng Comelec, satellite registration sites, piling mall at iba pang lugar na saklaw ng Register Anywhere Program.

Bukod sa mga first-time voter, maaari ring magpa-reactivate, magpalipat ng registration at magpaayos ng personal na impormasyon ang mga dati nang rehistradong botante.

Para makapagparehistro, kailangang magdala ng valid identification card at photocopy nito. Hindi tatanggapin ang barangay ID, barangay certification at cedula bilang patunay ng pagkakakilanlan.

Hindi muna kasabay sa pagbubukas ng registration ang Batanes at Naga City, Camarines Sur, dahil sa mga nakatakdang botohan ngayong Nobyembre.

Gaganapin sa Nobyembre 21 ang plebisito sa Naga City para sa panukalang pagiging highly urbanized city nito, habang sa Nobyembre 28 naman ang special congressional election sa Batanes.

Ayon sa Comelec, target nitong makapagtala ng humigit-kumulang tatlong milyong karagdagang botante bago ang 2028 national at local elections.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here