MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapataw ng deployment ban para sa mga Pilipinong marinong papunta sa mga ruta sa Red Sea dahil sa serye ng pag-atake sa mga cargo ships nitong nakalipas na dalawang taon.
Ani Tulfo, dapat ikonsidera ng DMW ang ban at ilipat ang mga marinong Filipino sa mas ligtas na ruta dahil sa patuloy na banta mula sa Houthi rebels na nag-atake sa bulk carrier Eternity C noong Hulyo 7 malapit sa baybayin ng Yemen.
Ayon kay Tulfo, 21 sa 22 crew members ng barko ay mga Pilipino, kabilang ang kapitan, ngunit wala pang opisyal na kumpirmasyon kung ilan ang nasugatan, napatay, o nawawala.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine Defense Attaché sa Bahrain, sa pakikipagtulungan ng UK Maritime Trade Operations (UKMTO) at may-ari ng barko na Cosmoship and LMA Status Maritime, ang insidente.
Bilang pag-iingat, pansamantalang ipinatigil ng DMW ang deployment ng mga Pilipinong marinong papunta sa Red Sea.
Inatasan ni Tulfo ang DMW na ipagpatuloy ang beripikasyon, imbestigasyon, at pag-organisa ng rescue operations upang mabigyan ng agarang tulong ang mga apektadong marino.
“Ang aksyon ng ating gobyerno ay magsisilbing pag-asa para sa mga nagaalalang pamilya ng ating mga seafarer,” ani Tulfo.
Samantala, nanawagan naman si Senador Lito Lapid sa mga ahensya ng gobyerno at international community na mabilis na iligtas ang mga Pilipinong marinong bihag ng Houthi rebels.
“Kaligtasan at walang kundisyong pagpapalaya sa mga Pilipinong marino ang pangunahing concern ng gobyerno sa nangyaring pag-atake,” pahayag ni Lapid.
Hinimok din niya ang mga otoridad na makipag-usap nang mapayapa upang mapalaya ang mga bihag at mabigyan ng kapanatagan ang kanilang mga pamilya.
“Ipagdasal natin ang kaligtasan ng mga bihag na hawak pa rin ng mga teroristang Houthi,” dagdag ni Lapid. (Ernie Reyes)