MANILA, Philippines – Isang mag-ama ang natagpuan at duguan na wala nang buhay sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Delas Alas, Gen Mariano Alvarez, Cavite.
Sa report ng pulisya, kinilala ang mga biktima na sina alyas Carl, 48 anyos at anak nito na si Angel, 22 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-3:00 Ng hapon nang madiskubre ang duguan at nakahandusay na katawan ng mag-ama sa loob ng kanilang bahay.
Ayon sa pulisya, nadiskubre ito matapos na hindi umano sumasagot ang mag-ama sa tawag ng asawa ng misis nito.
Dahil dito, tinawagan ni alyas Juliet, misis at ina ng mga biktima, ang kapatid nito upang alamin kung bakit hindi sumasagot sa tawag ang mag-ama.
Pagdating sa bahay ng mga biktima ni alyas Rosa, sinilip nito mula sa bintana ang loob ng bahay hinggil sa walang sumasagot sa katok nito.
Dito na nito nakita ang nakahandusay na mag-ama sa loob ng bahay at duguan.
Agad itong humingi ng tulong sa mga barangay official at pulisya.
Natagpuan ang katawan ng mag-ama malapit sa kusina na may sugat bunga ng saksak.
Hanggang sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng follow up para sa pagkakakilanlan sa responsable sa pagkamatay ng mga biktima. MARGIE BAUTISTA