MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang paglikha ng P20-bilyong trust fund para sa mga miyembro ng AFP, PNP, at iba pang uniformed personnel, kabilang ang kanilang pamilya, sa ilalim ng Comprehensive Social Benefits Program (CSBP).
Sa kanyang panukalang Senate Bill No. 276, layon ni Escudero na gawing batas ang mga benepisyong dati nang ipinatupad sa pamamagitan ng executive orders, upang hindi ito basta-bastang mabago o mabawi.
Kabilang sa mga sakop ng panukala ang AFP, PNP, CAFGU, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, at Philippine Coast Guard.
“It is about time that we look after the welfare of the people who have been keeping us safe,” ani Escudero. “Dapat tiyakin natin ang suporta sa kanila at sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay kung sakaling may mangyaring masama habang ginagampanan nila ang tungkulin.”
Gagamitin ang pondo para sa lump sum financial assistance sa kaso ng pagkamatay o permanenteng kapansanan, educational at health assistance, pabahay, at tulong pinansyal. Isasama rin sa 4Ps ang mga kwalipikadong benepisyaryo at bibigyan ng buwanang 40 kilong bigas o katumbas nitong halaga. Ernie Reyes