MANILA, Philippines – Pinuri ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Department of Justice (DOJ) sa paghahain nito ng 18 criminal charges sa Court of Tax Appeals laban sa dalawang major corporations at kanilang mga corporate officers dahil sa fraudulent activities sangkot ang ghost receipts.
Noong Abril 10 kasi ay pormal na naghain si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ng criminal charges laban sa ED Buenviaje Builders, Inc. at Synergy Sales International Corp. (SSIC), kasama ang kani-kanilang mga opisyal, sa paglabag sa Sections 254 (Attempt to Evade or Defeat Tax) at 255 (Failure to Supply Correct and Accurate Information) ng National Internal Revenue Code of 1997.
Nag-ugat ang isinampang kaso sa reklamong inihain ng BIR noong Nobyembre 22, 2023 kasunod ng malalimang imbestigasyon.
Napag-alaman kasi ng mga awtoridad na ang dalawang kompanya ay gumagamit ng mga pekeng resibo na inisyu ng shell corporations – Buildforce Trading, Inc. at Decarich Supertrade, Inc. – para suportahan ang gawa-gawang pagbili, mga paggastos, at kumuha ng illegal na input VAT credits para mabawasan ang kanilang tax dues.
Kabilang sa mga inireklamo ay sina Ernesto SD Buenviaje at Ruselle Anne Buenviaje ng ED Buenviaje, at Arthur See at Betty Lim See ng SSIC.
Ang tax liability ng mga ito ay umabot na sa P73.3 milyon, hindi pa kasama ang mga penalty at surcharge.
“This case reinforces our relentless campaign to stop the use of ghost receipts. Buyers and users of ghost receipts will be imprisoned,” babala ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr.
Ang kaso ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng pamahalaan laban sa ghost receipt schemes. RNT/JGC