MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki sa Tarlac noong Sabado dahil sa dogfighting, na isang paglabag sa Animal Welfare Act, ayon sa Crime Investigation and Detection Group Anti-Organized Crime Unit (CIDG-AOCU).
Sa ulat nitong Linggo, ipinatupad ng CIDG-AOCU, kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission at Animal Welfare Investigation Project (AWIP) ang search warrant na may petsang Hulyo 11, 2025 kay Bill Akira Narcida Watanabe o alyas “Akira.”
Ito ay inisyu ni Hermenegildo Dumlao II, Presiding Judge ng Regional Trial Court sa Malolos, Bulacan, para sa paglabag sa Section 6 ng Republic Act (RA) 8485 o Animal Welfare Act, na inamyenda ng RA 10631.
“The operation stemmed from report obtained by this unit to the confidential informant/complainant alleging certain Alias Akira facilitated an illegal dog fight and posted it through social media platforms for the purpose of selling puppies that were bred and trained for dog fighting,” ayon sa report.
Sinabi ng CIDG-AOCU na ginawa sa maayos na paraan ang pag-aresto at sinaksihan nina Barangay Kagawad Reynaldo Santillan Dela Cruz at Ronnel Sebrano mula sa Barangay Motrico, La Paz, Tarlac.
Idinagdag nito na ipinaalam kay Watanabe ang nature and cause ng kanyang pagka-aresto at ipinaalam ang kanyang mga karapatan sa konstitusyon tulad ng itinatadhana sa Miranda Doctrine.
Sinabi rin ng CIDG-AOCU na ang mga ebidensya ay nakumpiska sa pag-aresto, tulad ng tatlong nasagip na buhay na aso (ibinalik sa AWIP), isang dog fighting cage, dalawang improvised wooden bite sticks, isang gamot (Fenbendazole), dalawang Madre De Cacao healing oil, isang gamot (Americon), isang kulungan ng aso, bite tools, isang kadena ng aso, at isang unit ng cellphone.
“Suspect and pieces of evidence recovered were brought to CIDG AOCU Office for proper documentation and disposition of the case,” ayon pa sa report. RNT/MND