MANILA, Philippines – Nais ng Bangko Sentral Pilipinas (BSP) na magpataw ng mas mahigpit na regulasyon na maglilimita sa paggamit ng digital payment platforms para sa online gambling, kabilang ang daily cap sa fund transfers para sa mga mananaya at mas mataas na due diligence sa mga operator ng e-games.
Kumukonsulta na ang BSP sa mga stakeholder para sa draft circular na naglalayong magdagdag ng mga alituntunin sa online gambling transactions sa regulasyon para sa payment service providers.
Ngayong buwan ay nauna nang nagpaabiso ang BSP na maghihigpit sila, kasama ang Fintech Alliance Philippines––na sakop ang major players katulad ng GCash at Maya bilang miyembro nito, na tutugon sa regulasyon.
Kabilang sa panukala ay ang paglalagay ng arawang limit sa fund transfers sa online gaming accounts. Ang cap ay hindi dapat lumampas sa 20% ng average daily balance ng isang indibidwal.
Oobligahin din ng BSP ang payment service providers na magtakda ng arawang time window, na hindi hahaba sa anim na oras, para iproseso ang online gambling-related transactions.
Dapat din na magtakda ang BSP-regulated entities ng threshold para sa “heavy usage” ng online gambling payment services.
Kapag naabot ang limit, dapat na magpatupad ang payment operator ng 24-hour “cooling off” period.
Nangangahulugan ito na ang susunod na transfer ay magagawa lamang kapag natapos na ang pause period.
Sa mga insidente rin ng heavy usage, makakakita ang mga user ng “mandatory pop-up alerts” na magbababala sa mga ito ng panganib ng gambling.
Makikipag-ugnayan din ang BSP sa financial institutions para i-disable ang lahat ng lending options kapag ang isang tao ay may online gambling account na naka-link sa e-wallet nito.
Samantala, hindi rin papayagan ang digital payment companies na magpakita ng mga online gambling ads.
“It is imperative to ensure that digital payment services of payment service providers are not misused for activities that are socially harmful and detrimental to financial health,” ayon sa BSP.
Hihintayin pa ng central bank ang mga komento hanggang Hulyo 25.
Matatandaan na umani ng samu’t saring panawagan ang pamahalaan mula sa mga Church leader at iba pang mambabatas patungkol sa epekto ng e-gambling sa publiko. RNT/JGC