Home METRO Higit 1,000 karagdagang bus, inaprubahan para sa Undas – PBBM

Higit 1,000 karagdagang bus, inaprubahan para sa Undas – PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit 1,000 special permit para sa karagdagang mga bus upang matiyak ang sapat na pampublikong transportasyon para sa mga biyaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya at bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas.

Sa kanyang video message, sinabi ng Pangulo na naghanda ang pamahalaan ng iba’t ibang hakbang upang matiyak ang ligtas, maayos at maginhawang biyahe ng mga Pilipino sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.

“Tinitiyak natin na may sapat na masasakyan ang ating mga kababayan. Nagbigay na ang LTFRB ng mahigit isang libong special permits para sa mga dagdag na bus,” ayon sa Pangulo.

Dumadagsa ang mga Pilipino sa mga sementeryo sa buong bansa tuwing Nob. 1, Araw ng mga Santo, at Nob. 2, Araw ng mga Kaluluwa, upang alalahanin at ipagdasal ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sinabi ng Pangulo na nagsasagawa na rin ang Department of Transportation (DOTr) at mga attached agencies nito ng masusing inspeksyon sa mga paliparan, pantalan at terminal ng bus upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Binigyang-diin ng Pangulo na bahagi ang mga paghahandang ito sa pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang ligtas at maayos na pag-uwi ng mga Pilipino at pagdalaw nila sa kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw na.

“Ngayong darating na Undas, marami sa ating mga kababayan ang uuwi sa kani-kanilang probinsya o dadalaw sa mga sementeryo upang alalahanin at ipagdasal ang kanilang mga mahal sa buhay. Kaya nais nating tiyakin na magiging ligtas, maayos, at maginhawa ang kanilang pagbiyahe at pagdalaw,” pahayag pa ng Pangulo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here