MANILA, Philippines – Nababahala ang mga mangingisda sa Taal lake dahil kahit bagsak presyo na ang presyo ng isdang Taliwis na nakukuha sa lawa ay matumal pa rin dahil sa takot sa mga itinapon na katawan.
Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) matumal pa rin ang bentahan ng isdang Tawilis kahit bagsak presyo na ito.
Sinabi pa ni Fernando Hicap, Pamalakaya National Chairperson bumaba sa P100 kada kilo ang retail price ng Sardinella Tawilis na mas kilala sa tawag na tawilis mula sa karaniwang presyo nito na P250 per kilo, sa gitna ng mga ulat ng mga itinapon na katawan ng mga nawawalang sabungero sa Taal Lake ayon sa grupong PAMALAKAYA noong Linggo, Hulyo 13.
Sa isang pahayag, sinabi ng PAMALAKAYA na ang “all-time low” na presyo ng tawilis ay umabot na sa ilang lugar sa Cavite.
“Nakatanggap kami ng ulat na dagsa ang mga tawilis sa kanila na P100 kada kilo sa ilang bayan sa Cavite. Kung gaano kababa ang presyo ng tawilis sa pamilihan, tiyak na higit ang pagbagsak ng presyo nito sa mga mangingisda ng Taal, na magiging dahilan ng pagkalugi” ayon pa sa Pamalakaya.
Nauna nang umalma ang mga mangingisda mula sa mga bayan na nakapaligid sa Lawa ng Taal kaugnay sa kumakalat na takot ang publiko sa mga isdang huli sa nasabing lawa dahil umano sa ulat sa mga itinapong katawan ng mga nawawalang sabungero sa lawa.
Kaugnay nito bagama’t agarang naglinaw ang BFAR na ligtas ang mga isda mula sa Lawa ng Taal, partikular ang tawilis, nananatiling apektado ang presyo ng produkto ng mga taga Taal.
“Hindi na kakayanin ng mga mangingisda ang ganitong pagkalugi dahil ilang buwan na nilang iniinda ang epekto ng Habagat kung saan nagiging matumal ang pagpapalaot.
Dapat gumawa ng kaukulang mga hakbang ang Department of Agriculture (DA) at BFAR, tulad ng pagpapadala ng mga produkto ng mga mangingisda ng Taal sa ibang lugar sa makatwirang halaga, at paghikayat sa publiko na tangkilikin ang mga ito,” ayon pa kay Hicap sa pahayag. Santi Celario