Home NATIONWIDE Lahat ng traffic enforcers sa Maynila, target mabigyan ng body camera

Lahat ng traffic enforcers sa Maynila, target mabigyan ng body camera

236
0

MANILA, Philippines – BILANG bahagi ng polisiyang “Bawal ang Kotong” sa Maynila, pagsusuutin ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang lahat ng mga traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa lungsod upang maiwasan ang pakikipagtalo gayundin ang pangongotong ng mga enforcer sa mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.

Personal na ipinagkaloob ng paamunuan ng Canton Chamber of Commerce ang nasa 100 body cameras kay Yorme Isko kung saan nangakong daragdagan pa ang mga ito hanggang mapagkalooban ang lahat ng 800 traffic enforcers ng MTPB na pinamumunuan ni Director Dennis Viaje.

Ayon kay Domagoso, tatagal ng 15-oras ang baterya ng camera kaya’t sobra-sobra ang buhay nito sa walong oras nilang pagtatrabaho at mamo-monitor din nila kung sadya itong papatayin kapag nais makipag-areglo ng motorista.

Isusuot ng mga traffic enforcers ang body camera na may kasama pang silbato sa kanilang pagtupad sa tungkulin.

Ayon sa alkalde, bukod sa maire-record ng mga enforcers ang mga kamote driver at pasaway na motorista, magiging daan din ang suot nilang camera upang hindi gumawa ng katiwalian o mangotong sa mga traffic violators.

Matatandaan na una nang pinaalalahanan ni Domagoso ang mga traffic enforcer na mahigpit nitong ipinapatupad ang “one strike policy” kung saan hindi ito magdadalawang isip na tanggalin sa serbisyo ang mga tiwaling tauhan ng MTPB. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here