MANILA, Philippines – Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maapektuhan ang nakatakdang iskedyul ng voters registration mula Agosto 1 hanggang 10, 2025 sakaling maging batas ang panukalang pagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at SK at sa pagpapaliban ng halalan sa Disyembre.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, magsisimula pa lang ang 30-day period para otomatikong maging batas.
Batay sa impormasyong natanggap ng COMELEC, ipinadala na sa opisina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Bicameral Conference Committee Report mula sa Kamara at Senado at may posibilidad din umano itong mapirmahan ngayong linggo.
Sa ilalim ng panukala, palalawigin sa apat (4) na taon ang panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at SK mula sa dating tatlong (3) taon.
Papayagan naman ang mga opisyal ng barangay na mahalal ng hanggang tatlong sunud-sunod na termino sa parehong posisyon, habang ang mga SK official ay papayagan lamang makapagsilbi ng isang termino sa parehong posisyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)