Home METRO Mga kabataang viral sa Tondo riot, nakalawit

Mga kabataang viral sa Tondo riot, nakalawit

372
0

MANILA, Philippines – DINALA sa kustodiya ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang mga nasangkot sa riot na nag-“viral” sa social media na kinabibilangan ng mga pasaway na menor-de-edad sa Tondo, Maynila, Martes ng hapon.

Ayon kay MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, ang anim na menor de edad ay dadalhin sa Manila Reception and Action Center (RAC) at gagawan ng disposition at isasailalim sa intervention program habang ang tatlong nasa tamang edad ay dadalhin sa Manila Police District (MPD) Station 2 para sampahan ng kaukulang kaso.

Ayon kay Dela Fuente, nasangkot umano ang mga nasabing kalalakihan sa isang riot sa pagitan ng Barangay 28 at 32 sa Tondo kamakalawa at agad na nai-rescue ang mga ito sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng MPD-Station 2 sa pamumuno ni Lt.Col. Gilbert Cruz katuwang ang MDSW Rescue Team.

Nag-viral umano sa social media ang naganap na riot ng mga kalalakihan kung saan napanood pa umano ito ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kaya’t agad niyang inatasan ang MDSW at mga kapulisan na resolbahin ito na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga sangkot sa kaguluhan.

Ayon kay Dela Fuente, ang naturang aksyon ay bunsod sa inilabas na Executive Order No. 2 ni Domagoso na nagsasaad ng mahigpit na implementasyon ng “curfew” sa buong Maynila.

“Ang babata niyo tigilan niyo na yang riot. Gagabi-gabihin namin kayo, yung mga menor de edad pinapadiretso sa Boystown complex. Magtatagal kayo dun, matagal ang disposition doon, matagal ang release doon,”ani Dela Fuente sa mga inarestong kabataan.

“Wala naman mangyayari sa inyo sa gabi e. Unang-una ang mga kapulisan natin nagbabantay ang mga ito 24/7 hindi kayo lulusot dito. Kita niyo, nag-viral kayo kagabi nakuha agad kayo ngayon,” dagdag pa ng hepe ng MDSW.

Pinasalamatan naman ni Dela Fuente ang mga kapulisan dahil sa mabilis nilang aksyon kasabay ng babala sa mga kabataan gayundin sa mga magulang na hindi matutulog ang gobyerno ng Maynila upang ipatupad ang mga umiiral na ordinansa particular na ang curfew para mapanatili ang kaayusan, kapanatagan at peace and order sa lungsod. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here