MAY dumarating na low pressure area o sama ng panahon na naispatan sa layong 975 kilometro at nasa tapat ng Kabikulan kahapon ng umaga.
Sakaling maging bagyo ang LPA, papangalanan itong Crising.
Habang tinitipa ito, sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na habagat pa rin ang lumilikha ng mga ulan sa halos lahat ng bahagi ng bansa.
Gayunman, kapag nakalapit na si “Crising”, pangunahing unang hahaplitin nito ang Bicol Region, Eastern Visayas, Dinagat Islands at Surigao del Norte, ayon sa PAGASA.
Ngayong araw, marahil nararanasan na ng mga nasabing lugar at pinagsamang epekto ng habagat at ni Crising.
‘Yun bang === umuulan na nang higit sa normal at kasunod nito ang mga baha.
BAHA SA SLEX AT IBA PA
Nitong nakaraang pag-ulan, binaha nang todo ang malaking bahagi ng South Luzon Expressway, Las Pinas City, Muntinlupa City at iba pang kalapit na mga lugar sa Metro Manila.
Ayon sa mga nakaaalam sa pagbaha, gaya ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, sumobra ang buhos ng ulan kaya bumaha at pinalala ito ng pagdausdos ng baha mula sa Cavite at ibang matataas na lugar sa paligid ng kanyang lungsod.
Pinatunayan din nitong maraming drainage system ang maliliit at marami sa mga ito, kasama ang malalaki daluyan ng tubig, ang barado ng mga basurang foam ng kama, refrigerator at iba pa.
Kung hindi nagagawa umano ang mga paglilinis, malamang na mas masama umano ang nangyari at hirap na tumakbo ang mga baha papuntang Laguna de Bay.
Siyempre pa, binaha rin ang kahabaan ng Taft Avenue na matagal nang problema, at saksi rito ang mga matatandang nakatira sa lugar.
PALALA NANG PALALA
Mahigit nang tatlong taon ang administrasyong Marcos at isa pa nga sa pinaglalaanan nito ng malaking pondo ang laban sa baha.
Mahigit P600 bilyon ang inilaan sa anti-flood projects sa nakaraang tatlong taon at naglaan din ng P306B para sa taong ito.
Kung isasama ang mga lokal na pondo laban sa baha, masasabi nating sa loob ng mga panahong nabanggit, aabot sa humigit-kumulang sa P1 trilyon ang laban sa baha.
Nasaan ang mga proyektong ito at lumalabas na kapalpakan ang mga nagaganap.
‘Yun bang === lumalabas na walang katapusan ang baha at palala nang palala pa yata.
MARURUNONG, KORAP AT MANDARAMBONG
Sa harap ng mga bahang nagaganap kung saan-saan, inuuna ng mga awtoridad ang magturo ng sisihin.
Ito’y sa kabila ng pagbaha ng pondo laban sa baha na nasa kanilang mga kamay.
Ang mabuti pa, mga Bro, gamitin nang tama ang mga pondo laban sa baha at huwag korapin at dambungin.
Kung tama ang paggamit ng mga pondo, tiyak namang malulunasan ang mga pagbaha.
Umulan man nang umulan nang sobra, may pupuntahan ang mga baha.
Naririyan lang sa paligid ang Laguna de Bay at Manila Bay na lalamon sa baha.
Puno ng marurunong ang pamahalaan para makagawa ng mga plano at programa laban sa baha.
Huwag lang silang pangunahan ng mga korap at mandarambong, tiyak na magtatagumpay sila.






