MANILA, Philippines – Ayon sa Malakanyang, wala pa silang natatanggap na anumang communication kung mayroon mang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at iba pang di umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa drug war campaign nito.
Sa press briefing sa Malakanyang, tinanong kasi si Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro hinggil sa naging pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa Kyodo News na maaaring arestuhin si Dela Rosa sa oras na magpalabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC).
“Sa ngayon, wala pa po tayong natatanggap na anumang communication kung mayroon na pong warrant of arrest para sa mga co-perpetrators ni dating Pangulong Duterte,” ayon kay Castro.
Buwan ng Marso, napaulat na may 9 na indibiduwal ang naka-tagged bilang co-perpetrators ni dating Pangulong Duterte gaya ng ipinapakita sa aplikasyon ng warrant of arrest na naka-post sa ICC website.
Mayroong partikular na indibiduwal ang pinangalanan dahil sa kanilang papel sa nakalipas na controversial campaign ng administrasyon laban sa ilegal na droga.
Kabilang sa mga ito ay Dela Rosa, na tinukoy bilang architect ng “Oplan Tokhang,” na unang ipinatupad sa Davao City noong siya ay dating local police chief pa lamang.
Sa kabilang dako, napaulat na aarestuhin si Sen. Bato del Rosa sakaling maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng ipinatupad na “war on drugs” sa ilalim ng administration.
Iyan ang siniguro ni Executive Secretary Lucas Bersamin nang matanong tungkol sa pagkakadawit ni Bato sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Ang senador ang nagsilbing chief ng Philippine National Police (PNP) nang ipag-utos ni Duterte ang “war on drugs” na nagresulta sa pagkamatay at pag-aresto sa napakaraming suspek at inosenteng tao.
Sabi ni Bersamin sa ulat ng Inquirer.net, kung ano ang naging treatment” noon sa pag-aresto sa dating pangulo ay ganu’n din ang gagawin ng PNP kay Bato sakaling maglabas na ang ICC ng arrest warrant laban sa kanya.
Ito’y kahit na nanalo muli sa pagkasenador si Bato sa nakaraang 2025 midterm elections at nakakuha pa ng “third-highest number of votes” mula sa sambayanang Pilipino.
“If… there is (an Interpol notice), we proceed. But if the Supreme Court comes out with a ruling that says you must afford full due process before you surrender anyone, that’s what we are going to do,” ayon kay Bersamin.
Nitong nagdaang June, nag-file ang kampo ni Duterte ng petition sa ICC na humihiling ng temporary release at mag-stay sa ibang bansa habang dinidinig ang kanyang “crimes against humanity.” Wala pang desisyon ang ICC sa request ni Duterte.
“It’s up to the ICC to make that decision. It’s really a matter of us not having anything anymore to do with the case,” ani Bersamin. /Kris Jose