MANILA, Philippines – Nakaranas ng pagbaha at landslide ang ilang lugar sa bansa dahil sa Tropical Depression Crising at Habagat, na nagdulot ng pinsala sa mga bahay, kalsada, at tulay, ayon sa mga ulat.
Sa Antique, muntik nang tangayin ng rumaragasang baha ang isang residente sa Tibiao, habang binaybay ng mga taga-Culasi ang baha na umabot hanggang hita at pumasok pa sa mga silid-aralan.
“Mula kaninang umaga, continuous dito ang moderate to heavy rain especially sa Central and Northern Antique. Mino-monitor natin ang lahat na mga ilog dahil medyo may pagtaas ng tubig,” ayon kay Broderick Train ng Antique PDRRMO.
Nasira rin ang hanging bridge sa Patnongon at ilang spillway sa Negros Oriental na nagpastranded sa mga guro, habang naapektuhan din ang mga alagang hayop.
Sa Zamboanga City, winasak ng malalakas na alon ang ilang bahay sa Sitio Caragasan, at sumadsad ang isang bangkang pangisda pero ligtas ang lahat ng sakay.
Nagdulot ng matinding trapiko ang baha sa Cotabato City, habang umapaw ang Marbol River kaya nagsagawa ng rescue ang Coast Guard sa Sultan Kudarat.
Suspendido ang klase sa Albay dahil sa malakas na ulan.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang mga ahensya na manatiling alerto, habang naka-activate na ang virtual emergency operations center ng NDRRMC. Santi Celario