Home METRO 3 wanted na manyakis, timbog

3 wanted na manyakis, timbog

193
0

MANILA, Philippines – Timbog ang tatlong lalaki na wanted sa kasong panggagahasa sa Malabon City matapos matunton ng pulisya sa kanilang mga lungga sa magkahiwalay na lugar sa Bulacan.

Sinabi ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng mga akusadong sina alyas “Welia,” 63, at alyas “Chen-Chen,” 37, kapwa residente ng Brgy. Santulan, Malabon City.

Aniya, kapwa nakatala bilang mga Most Wanted Person sa Malabon police ang dalawang pugante kaya inatasan niya ang District Special Operations Unit (DSOU) para tugisin ang mga ito.

Kaagad namang nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng NPD-DSOU sa Regional Intelligence Unit National Capital Region (RIU NCR) bago ikinasa ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga akusado dakong alas-2:20 ng madaling araw sa kanilang lungga sa Masagana Village, Pulong Yantok, Angat, Bulacan.

Hindi umano pumalag ang mga akusado nang isilbi sa kanila ng mga operatiba ng DSOU ang warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Family Court Branch 4 noong Setyembre 2, 2022 para sa tatlong bilang ng kasong Rape by Sexual Assault laban kay “Welia” at apat na bilang ng Statutory Rape laban kay “Chen-Chen.”

May inirekomenda namang piyansa ang hukuman na nagkakahalaga ng ₱200,000 bawat isa sa tatlong kaso ng Rape by Sexual Assault, habang walang inirekomendang piyansa para sa Statutory Rape.

Nauna rito, natimbog din ng mga operatiba ng DSOU at Northern District Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU) sa joint operation sa San Jose del Monte-Norzagaray Road, Norzagaray, Bulacan dakong alas-4:30 ng hapon ang No. 8 Top Most Wanted Person ng Malabon police na si alyas “Nono,” 36.

Si “Nono” ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, RTC Branch 5, Malabon City, para sa kasong Statutory Rape under Section 266-A of the Revised Penal Code in relation to RA 7610, na walang inirekomendang piyansa. Rene Manahan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here