Home METRO Posibleng bagong bagyo tapos ni Crising, binabantayan ng PAGASA

Posibleng bagong bagyo tapos ni Crising, binabantayan ng PAGASA

312
0

MANILA, Philippines – Habang patuloy na binabagtas ng tropical storm “Crising” (international name “Wipha”) ang Hilagang Luzon, binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang posibleng pagbuo ng panibagong weather disturbance sa susunod na linggo.

Batay sa dalawang linggong tropical cyclone threat potential forecast ng PAGASA, isang tropical cyclone-like vortex (TCLV1) ay maaaring mabuo malapit sa silangang bahagi ng Northern Luzon sa loob ng PAR.

Inaasahang lilipat ito pahilaga at may mataas na posibilidad na maging tropical cyclone sa unang linggo ng forecast period, mula Hulyo 18 hanggang 25.

Ang sistemang ito ay tatawaging “Dante” kapag ito ay naging tropical depression sa loob ng PAR.

Sa ikalawang linggo, mula Hulyo 26 hanggang 31, ang TCLV1 ay inaasahang lilipat patungo sa lugar ng Taiwan-Ryukyu, bagama’t ang posibilidad na maging tropical storm ay bababa sa katamtaman o mababa.

Kasabay nito, maaaring magkaroon ng bagong tropical cyclone-like vortex (TCLV2) sa hilagang-silangan na bahagi ng PAR, ngunit nananatiling mababa ang posibilidad na maging tropical cyclone ito.

Maaaring magkaroon ng isa pang posibleng vortex (TCLV3) sa hilagang-kanlurang bahagi ng monitoring domain ng PAGASA, na maaaring mga naiwang bahagi ni Crising.

Ngayong Sabado, Hulyo 19, sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang tropical storm Crising na magdadala ng maulang panahon sa buong Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.

Ang Nueva Ecija at Aurora, gayundin ang nalalabing bahagi ng Northern Luzon, ay maaaring makaranas ng pag-ulan at bugso ng hangin.

Inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon at Visayas.

Sa ibang lugar, maulap na kalangitan, na may kalat-kalat na pag-ulan at posibleng pagkidlat-pagkulog.

Sa pagitan ng Linggo, Hulyo 20, at Huwebes, Hulyo 24, sinabi ng PAGASA na lalabas na si Crising sa PAR.

Gayunpaman, ang habagat ay patuloy na magdadala ng panaka-nakang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Ang natitirang bahagi ng Luzon at Visayas ay asahan ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Ang Mindanao ay magkakaroon ng maaliwalas na panahon, ngunit maaari pa ring magkaroon ng mga pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.

Sa darating na Biyernes, Hulyo 25, sinabi ng PAGASA na ang pinagsamang epekto ng posibleng Low-Pressure Area (LPA) at habagat ay magdudulot ng paminsan-minsang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ay makakaapekto rin sa Negros Island Region, Western Visayas, at sa nalalabing bahagi ng Luzon.

Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng pangkalahatang maaliwalas na panahon, na may magkakahiwalay na pag-ulan o pagkidlat-pagkulog. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here