MANILA, Philippines – Naghain si Senador Imee Marcos ng panukalang naglalayong baguhin at gawing muli ang lahat ng mga batas sa halalan, na nagbibigay daan para sa Bagong Omnibus Election Code ng 2025.
Sa explanatory note ng Senate Bill 425, sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, na ilang probisyon ng 1985 Omnibus Election Code ay “outrightly ill-suited for modern times.”
“The [OEC] is well more than three decades old. Since the inception of the OEC, there have been many significant changes in the manner by which elections are conducted,” saad ng senadora.
“Likewise, regulations and limitations under the OEC have since been proven inadequate to realistically ensure a more level-playing field for candidates,” dagdag niya.
Noong 2023, natapos ng Commission on Elections (Comelec) ang 964-pahinang draft ng mga iminungkahing amendments sa Omnibus Election Code, ayon kay poll chairman George Garcia. Kabilang aniya sa mga panukalang pagbabago ang mga probisyon sa pagsasaayos ng party-list system at mga pagbabago sa campaign finance.
Sinabi ng European Union (EU) Election Observation Mission, na nagpadala ng delegasyon para subaybayan ang Eleksyon 2025, sa ulat nito na halos kalahati ng mga probisyon ng Omnibus Election Code, kabilang ang para sa campaign finance at mga paglabag sa halalan, ay “outdated.”
Ang mga probisyong iyon, sabi ng ulat, ay napalitan na ng 1987 Constitution at ng maraming kasunod na mga batas at regulasyon. RNT/MND