ILOCOS SUR-Kamatayan ang sinapit ng isang 21-anyos na lalaki matapos malunod nang tangkain nitong sagipin ang inaanod sa ilog na tsinelas ng isa niyang kasamahan sa Brgy. Lintic, Banayoyo ng lalawigang ito kahapon, Hulyo 19.
Ayon sa Banayoyo MPS, ang biktima na isang construction worker ay residente ng naturang barangay.
Habang nasa Binnuyog Bridge ang biktima at ang mga kasama, biglang inagaw ng kasama nilang 17-anyos na lalaki ang tsinelas ng isa nilang kasama at saka itinapon sa ilog.
Lumusong naman sa tubig ang biktima para habulin at kunin ang inaanod na tsinelas ng kasama nila ngunit tinangay siya ng rumaragasang agos.
Tinangka umano siyang hanapin at iligtas ng mga kasama ngunit hindi na nila ito makita.
Agad naman nagsagawa ng retrieval operation ang mga personnel ng Banayoyo MPS, BFP, at CDRRMO Candon City.
Matapos ang ilang oras na paghahanap, ang biktima ay nakita sa ilog sa Brgy. Langlangca 1st, Candon City, Ilocos Sur.
Isinugod ang biktima sa Candon General Hospital sa Brgy. Tablac, Candon City, Ilocos Sur.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso