Home NATIONWIDE Reporma at mas maayos na serbisyo, batayan ni PBBM sa pagbabago ng...

Reporma at mas maayos na serbisyo, batayan ni PBBM sa pagbabago ng Gabinete- Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – PATULOY na isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pagbabago sa Gabinete upang mapalakas ang mga ahensya ng pamahalaan, mapabilis ang serbisyo publiko, at matiyak na magdudulot ng pangmatagalang pakinabang sa mga Pilipino ang mga reporma.

Sa isang press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano na ibinabatay ng Pangulo ang mga pagbabago sa Gabinete sa mga repormang kailangan ng bawat ahensya at kung paano mapapabuti ng mga ito ang serbisyo sa publiko.

“From where I stand and from all my experience interacting with the President, never po siya nagdesisyon base sa politika,” ani Cayetano.

“Ang mga desisyon niya nanggagaling sa ano ang mga kailangan na reporma sa bawat ahensya para mapabilis ang daloy ng benepisyo sa ating mga kababayan. I’ve seen him do this across many agencies,” dagdag ni Cayetano.

Binanggit ni Cayetano na malaki ang papel nina Transportation Secretary Vince Dizon at Public Works Secretary Banjo Lopez sa pagsusulong ng mga reporma ng administrasyon.

Sinabi ni Cayetano na inutusan si Dizon ng Pangulo na pagandahin ang mga serbisyo sa transportasyon upang mapadali ang araw-araw na biyahe ng mga commuter, habang inaasahang palalakasin naman ni Lopez ang mga reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matiyak na magpapatuloy ang mga pagbabago.

Inihayag ni  Cayetano na nais ng Pangulo na hindi lamang panandalian ang epekto ng mga reporma kundi magdulot din ang mga ito ng pangmatagalang pagbabago sa sistema at serbisyo ng pamahalaan.

Layunin ng administrasyon na gawing mas mabilis at maayos ang trabaho ng mga ahensya, palakasin ang pananagutan, at tiyaking tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad ang mga proyekto sa transportasyon, imprastraktura, at iba pang serbisyo.

Sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito, sinabi ni Cayetano na hangad ng pamahalaan na makapaghatid ng mas mahusay na serbisyo at makapagtatag ng mga sistemang patuloy na pakikinabangan ng mga Pilipino sa mga susunod na taon. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here