Home NATIONWIDE Chinese militia vessel, muntik makabangga ng PCG ships sa Panata Island

Chinese militia vessel, muntik makabangga ng PCG ships sa Panata Island

3
0

MANILA, Philippines – Muntik nang magbanggaan ang isang Chinese Maritime Militia Vessel (CMMV) at mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos magsagawa ng mapanganib na maniobra ang Chinese vessel malapit sa Panata Island noong Nobyembre 23, 2026.

Ayon sa PCG, ilegal na nakaangkla ang CMMV 11098 at CMMV 11086 sa layong 5.1 at 5.2 nautical miles mula sa Panata Island, na pasok sa 12-nautical-mile territorial sea ng Pilipinas.

Nang paalisin ng BRP Cabra ang dalawang barko, biglang sumugod ang CMMV 11086 sa bilis na 10 knots at lumapit hanggang 200 yarda sa barko ng PCG, dahilan para umiwas ito upang maiwasan ang banggaan.

Tinangka rin ng Chinese vessel na lapitan ang rigid-hull inflatable boat (RHIB) na lulan ang walong tauhan ng PCG, ngunit nakaiwas din ang mga ito.

Walang nasugatan o napinsala sa insidente. Kalaunan ay umalis din ang dalawang Chinese militia vessel. Namataan din sa lugar ang barko ng China Coast Guard na may numerong 4109.

Ayon sa PCG, unang beses na nangyari ang ganitong mapanganib na maniobra sa katubigan ng Kota at Panata Islands. Anila, labag ito sa 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGs) at hindi maituturing na kilos ng ordinaryong fishing vessel.

Sa pamumuno ni PCG Commandant Admiral Rommel Supangan, iginiit ng ahensya na hindi ito uurong sa pagtatanggol sa Kalayaan Island Group. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here