MANILA, Philippines – Nakakuha ng pagkilala sa pandaigdigang komunidad ang Pilipinas dahil sa paggamit nng makabagong teknolohiya upang palakasin ang seguridad sa mga border at matiyak ang mas ligtas na paglalakbay ng mga Pilipino at dayuhang bisita.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na itinampok ng Pilipinas ang Advance Passenger Information System (APIS) bilang isang mahusay na halimbawa ng pagsusuri sa mga pasahero sa isang pandaigdigang pagpupulong na ginanap sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
“Ipinakita ng Pilipinas sa Global Working Meeting on API, PNR Data, and Passenger Information Units sa Abu Dhabi kung paano nagagamit ang Advance Passenger Information System o APIS bilang best practice sa pagpapaigting ng passenger screening sa mga paliparan,” ang bahagi ng pahayag ni Castro.
Sinabi ng opisyal na naaayon ang inisyatibong ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagbutihin ang paghahatid ng mga serbisyo publiko sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.
Inorganisa ng United Nations Office of Counter-Terrorism (UNOCT) ang pagpupulong na dinaluhan ng mahigit 300 opisyal ng pamahalaan at mga eksperto mula sa 40 bansa.
Ipinaliwanag ni Castro na sa pamamagitan ng sistema, maagang natatanggap ng mga awtoridad sa immigration ang impormasyon ng mga pasahero at naihahambing ang mga ito sa mga pandaigdigang talaan ng mga indibidwal na minamanmanan, sa pamamagitan ng integrasyon nito sa database ng International Criminal Police Organization (INTERPOL).
Dahil dito, natutukoy ng mga awtoridad ang mga posibleng banta sa seguridad bago pa man dumating ang mga pasahero sa mga paliparan ng bansa.
Ayon kay Castro, nakapagtala ang sistema ng 1,773 tugma sa mga talaan ng INTERPOL mula Enero hanggang Oktubre 2026, mas mataas ng 238 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Binuo ang APIS gamit ang goTravel software ng United Nations sa tulong ng pamahalaan ng Australia.
Sa kasalukuyan, ginagamit na ito ng 51 airline na sumasaklaw sa 99 porsiyento ng mga operasyon ng flight sa buong bansa.
Tiniyak ni Castro na patuloy na palalakasin ng Bureau of Immigration ang seguridad sa mga hangganan ng bansa sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at pakikipagtulungan sa iba pang mga bansa upang matiyak ang mas ligtas na paglalakbay at higit na maprotektahan ang sambayanang Pilipino. (KRIS JOSE)