MANILA, Philippines – Umabot na sa 23,014 katao (6,793 pamilya) ang nailikas sa Quezon City bunsod ng malakas na ulan mula sa Habagat, ayon sa QC Disaster Risk and Reduction Managemeng Office nitong Martes, Hulyo 22.
Nasa 117 evacuation centers sa 56 barangay pansamantalang nanunuluyan ang mga evacuee. Patuloy ang pagbaha sa ilang lugar, kabilang ang head-deep sa Barangay Roxas at chest- hanggang waist-deep sa Sienna, Doña Imelda, Tatalon, Mariana, at Damayang Lagi.
Nagsagawa na ng 155 rescue operations ang mga awtoridad, kabilang ang apat na kaso ng pagkalunod na iniimbestigahan. Higit 1,000 tauhan mula sa lokal at pambansang ahensya ang naka-deploy.
“Ang prayoridad namin ay masigurong ligtas, may pagkain at maayos ang kalagayan ng mga evacuees,” ayon kay Bianca Perez ng QCDRRMO. Pinapayuhan ang mga residente na manatiling alerto at tumawag sa Helpline 122 para sa agarang tulong.
Samantala, sumabog ang isang tubo ng Maynilad Water Services sa northbound lane ng Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Martes ng umaga habang bumubuhos ang malakas na ulan mula sa Habagat.
Agad rumesponde ang repair team, ngunit pinayuhan ang mga residente ng Barangay North Fairview na makakaranas ng water service interruption habang inaayos ang linya. Santi Celario