MANILA, Philippines – TULUYAN nang pinagtibay ang legalidad ng kasunduan sa pagitan ng GlobalCity Mandaue Corporation ni dating Congressman Mikee Romero at ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaue para sa 131-ektaryang reclamation project sa Cebu batay sa desisyong inilabas ng Korte Suprema.
Kabilang sa proyekto ang muling pagsasaayos ng bahagi ng Mactan Channel malapit sa Marcelo Fernan Bridge, na sasaklaw sa mga barangay ng Paknaan at Umapad. Target nitong gawing mixed-use estate ang lugar—na may commercial centers, tirahan, industrial zones, at pasilidad para sa turismo.
Matatandaang nagsimula ang mobilisasyon noong 2016 pero nahinto dahil sa kakulangan ng mga permit mula sa gobyerno lokal. Sa tagal ng legal na laban, ngayon ay tuluyang inatasan ng Korte Suprema ang parehong panig na ipatupad ang kasunduan nang may buong pagsunod.
Ayon kay Atty. Hans Santos, legal counsel ng GMC, handa na silang makipagtulungan sa lokal na pamahalaan at mga ahensya para maisakatuparan ang proyekto—na inaasahang magbubukas ng maraming trabaho, magpapalago ng ekonomiya, at magdadala ng modernong kaunlaran sa buong Central Visayas. RNT