PORMAL na inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE), kasama ang partners nito, ang National Green Jobs Human Resource Development Plan na makatutulong sa mga manggagawang Pilipino na makasabay sa hamon ng pagbabago ang klima tungo sa mas malinis at sustenableng ekonomiya.
Binabalangkas ng plano kung paano ipatutupad at pananatilihin ng bansa ang transisyon tungo sa green economy sa pamamagitan ng pagbabantay sa kalikasan upang mabawasan ang pinsala nito, kasabay ng paglikha ng trabaho, pagtataguyod ng disenteng trabaho at pantay na oportunidad, at pagtataguyod ng katarungang panlipunan at kapakanan ng mga manggagawa.
“Iminumungkahi ng updated plan ang pinagsamang estratehiya at interbensyon na nakatuon sa pagpapabuti at katatagan ng merkado ng paggawa, at pagbibigay proteksyon sa mga maapektuhang manggagawa at employer dulot ng mga sakuna na may kaugnayan sa kalikasan”, pahayag ni OIC-Secretary Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr. sa kanyang talumpati.
Ayon kay OIC-Secretary Bitonio, Jr. kabilang sa mga inilatag na estratehiya ay ang paghahanda sa lakas-paggawa sa pamamagitan ng mas pinahusay na edukasyon at pagsasanay para sa mga sektor na may mataas na potensyal na lumikha ng green jobs, at implementasyon ng mas epektibong polisiya na susuporta sa pagbabago ng trabaho, hikayatin ang mga mamumuhunan, at lumikha ng mas maraming trabaho.
Binigyang-diin ni DOLE Undersecretary Carmela I. Torres, na namumuno sa DOLE Technical Working Group on Green Jobs, sa kanyang presentasyon na ang plano ay produkto ng inklusibong panlipunang dayalogo na nagsimula noong 2019, at nakaugat sa paniniwalang “higit sa lahat, ang transisyon tungo sa green economy ay para sa mga tao.”
“Ang planong ito ay isang buhay na testamento sa ating pangako na paunlarin at pangalagaan ang ating yamang-pantao, tiyakin na taglay nila ang kinakailangang kasanayan, proteksyong-panlipunan, pagkilala sa kanilang karapatan, magkakasamang kumakatawan sa pagtalakay sa mga polisiya, magtrabaho sa ligtas na kapaligiran, at oportunidad sa pagsusulong ng green jobs agenda,” wika ni Undersecretary Torres.






