Home OPINION GRABENG BAHA

GRABENG BAHA

288
0

BUONG Pilipinas inulan at binaha kamakalawa.

Kaya maraming lugar ang nagdeklara ng “no classes” sa milyon-milyong mamamayan.

Sa parte lang ng Metro Manila, nagdeklara ang pambansang pamahalaan ng hindi lang “no classes” para sa hapon kundi “no offices” sa lahat ng ahensya ng pamahalaan, kasama ang Supreme Court at mababang korte at ang Kongreso.

Nadamay na rin ang mga pribadong kompanya.

Hanggang sa isinusulat ito, wala ring klase sa Metro Manila at opisina rin.

Napakatahimik ang buong paligid, maging ang mga kalsada.

Talo pa ang Biyernes Santo sa halos kawalan ng mga sasakyan sa mga lansangan.

MAGANDANG PANGYAYARI

Kabilang naman sa magagandang pangyayari, may mga pinunong lokal ng pamahalaan na nakikitang personal na pumupunta sa mga binabahang lugar.

Kasama na rito sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Manila Mayor Isko Domagaso.

Si Mayor Belmonte, personal na nag-uutos para sa para sa pagbabakwit sa mga nasa binabahang lugar at kasabay nito ang pamamasyal nito sa mga biktima ng kalamidad.

Si Mayor Isko, kasama sa mga naglalakad at naghuhukay sa posibleng pinagmumulan ng mga baha, kasama na ang sa Taft Avenue na nagpapalubog din mismo sa Manila City Hall.

Nagdeklara rin si Pangulong Bongbong Marcos ng libreng sakay sa mga tren at paggamit ng mga sasakyan ng pamahalaan para sa libreng sakay.

Tahimik namang pinagagana ni Vice President Sara Duterte ang libreng sakay sa mga bus na partnership nito sa ilang pribadong kompanyang pang-transportasyon.

KAKAIBANG BAHA

Kakaibang baha ang naganap kamakalawa.

Buong bansa ang tinamaan mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao.

Ito’y dahil sa habagat at dalawang low pressure na kakambal nito sa pagpapaulan.

Napakasama ang idinating nito.

May mga obrero ang nagpaabot ng kanilang paghihirap hanggang kahapon.

Halimbawa, may mga umalis sa kanilang pinagtatrabahuhan dakong alas-8:00-9:00 ng gabi.

Awa ng Diyos, alas-12:00-ala-una na ng madaling araw, anduun pa rin sila sa kalsada.

Tumigil ang lahat ng transportasyon, maging ang mga pampasaherong de-padyak, motorsiklo, jeepney, modern jeep, bus at iba pa.

Ang ibang mga obrero, nagbu-book sa mga tinatawag na pampasaherong pribadong motorsiklo at sasakyan, walang tumatanggap ng tawag hanggang alas-12:00 kahapon na oras na tinitipa natin ito.

Bunga ba ito ng naglipanang tumirik na mga sasakyan sa mga binahang lugar?

Para sa mga stranded na obrero kung saan-saan, alas-12:00 ng tanghali kahapon, nalalaman nilang may mga lugar pa rin at mga tahanan na hanggang tuhod o beywang pa rin ang baha sa loob ng bahay.

Paano ka nga uuwi niyan, kahit pa may mangahas na pampasaherong sasakyan na maghahatid sa iyo sa iyong lugar?

ANTI-FLOOD PROJECTS, NASAAN?

Mahigit P600 bilyong anti-flood projects sa nakalipas na tatlong taon ng administrasyong Marcos ang naubos para sa anti-flood projects.

Nasaan ang bunga nito o nasaan ang mga proyekto?

Pitong araw na lang o sa Hulyo 28 na ang State of the Nation Address, paano nito ipaliliwanag kung saan napunta ang mahigit na P600 bilyon ginastos ng pamahalaan laban sa baha?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here