Home OPINION GRABENG PINSALA SA MGA MAGSASAKA

GRABENG PINSALA SA MGA MAGSASAKA

216
0

KUNG sakaling magkatotoo ang sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na hanggang Hulyo 31 ang pag-ulan, dala pangunahin ng habagat at low pressure area na may halong amihan sa norte, hindi maganda ito sa mga magsasakang nakapagpunla o nakapagtanim na ng mga palay.

Ibig sabihin lang niyan na lulubog nang tuloy-tuloy ang mga punla o itinanim na sa pamamagitan ng transplanting.

Sa aktuwal na karanasan, ang mga itina-transplant o direktang itinatanim sa pamamagitan ng saboy, sa loob lang ng apat na araw na pagkalubog sa baha, sira na ang lahat.

Ngunit sa mga lugar lang na medyo hindi gaanong rumaragasa ang baha nangyayari ito.

Sa mga palayan na rumaragasa ang baha, kahit isang araw lang ang baha, tatabunan ng putik ang mga punla o palay nang nakatanim at sira na ang lahat.

Sa parehong sitwasyon, kailangan ang panibagong paglilimpiya ng lupa at panibagong punla rin.

Panibagong biling punla ang itatanim dahil bihira na ang mga uri ng palay na iniipon ng mga magsasaka para itanim muli sa susunod na pagtatanim.

Kapag may ipon ang mga magsasaka, maaaring hindi problema ang unang gastos.

Pero sa karamihan, galing sa utang ang mga ginagastos sa buong panahon ng pag-aararo, pagtatanim, pag-aabono, pagdadamo, pag-aani hanggang sa pagbibilad o pagdadala ng ani sa mga merkado.

Isa pa, panahon din ng taggutom sa maliliit na magsasaka ang panahon ng pag-aararo at pagtatanim.

Nasaan ngayon ang ayuda ng pamahalaan sa mga magsasaka na nagdodoble-gastos sa pagpapalay at taggutom?

May mga lokal namang pamahalaan, kasama ang ilang kongresman, ang umaayuda sa mga magsasaka ngunit maliliit lang ang nakakayanan nilang ibigay.

Ang pambansang pamahalaan ang kailangang kumilos para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.

Nasaan nga ang mga ayuda ng pambansang pamahalaan?

Huwag sabihin ng mga opisyal na mag-import na lang sila ng bigas para tuloy-tuloy ang P20 kada kilong bigas.

‘Kenna na!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here