GUMUHO ang isang apat na palapag na bahay na pawang gawa sa light materials makaraang lumambot ang lupa na kinatitirikan nito dulot ng walang tigil na ulan bunsod ng habagat sa Paco, Maynila, Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente, nasa halos 10 pamilya ang nakatira sa apat na palapag na gumuhong bahay na gawa sa coco lumber na matatagouan sa Barangay 684, Santiago St., A. Linao, sa Paco, Maynila.
Agad na pinuntahan nina Dir. Dela Fuente ang nasabing lugar upang mabigyan ng agarang tulong ang mga pamilya na nakatira sa nasabing gumuhong bahay.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa naganap na pangyayari.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga pamilyang naapektuhan sa multi-purpose hall ng Barangay 684.
Ang agarang tulong at mabilis na responde ng MDSW ay batay sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na “Bilis Kilos” lahat lalo na sa panahon na sakuna at pangangailangan ng mga Manilenyo.







