MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta si United States President Donald Trump sa independent foreign policy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo na sa pagsisikap nitong palawakin ang ugnayan ng Pilipinas sa iba pang bansa bukod sa mga tradisyunal nitong kaalyado.
Sa kanilang joint press conference sa White House noong Martes, binigyang-diin ng dalawang lider ang matibay na relasyon ng Pilipinas at US, gayundin ang respeto sa soberanya ng bawat isa.
Inihayag ni Pangulong Marcos na naninindigan ang Pilipinas sa isang malayang patakarang panglabas, kasabay ng paghahanda ng bansa sa pagiging chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa 2026.
“Hindi natin kailangang timbangin ang relasyon sa pagitan ng US at China. Ang foreign policy natin ay independent,” pahayag ni Marcos.
Dagdag ng Pangulo, nananatiling pinakamalapit na kaalyado ng Pilipinas ang Amerika ngunit bukas din ang bansa sa pakikipagtulungan sa iba pang nasyon na nagpapakita ng paggalang sa mga pandaigdigang batas at demokratikong prinsipyo, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Sa kanyang tugon, sinabi ni Trump na walang problema kung makipagkasundo si Marcos sa China at kinilala ang kalayaang gumawa ng desisyon ng Pangulo para sa kapakanan ng bansa.
“Wala akong problema kung makipagkasundo siya sa China. Sa tingin ko ay dapat niyang gawin ang makabubuti para sa kanyang bansa. Palagi kong sinasabi, ‘make the Philippines great again,’” ani Trump.
Pinuri rin ni Trump si Marcos bilang isang respetadong lider at binigyang-diin ang magandang reputasyon ng kanyang pamilya.
Ang pagbisita ni Pangulong Marcos ay ginanap mula Hulyo 20 hanggang 22 bilang bahagi ng opisyal na imbitasyon mula kay Trump.
Nanuluyan siya sa Blair House, ang opisyal na guest house ng US President para sa mga dayuhang pinuno at dignitaryo. RNT