GAGAWA ng kasaysayan ang Philippine Basketball Association (PBA) sa Disyembre sa pagdaraos ng unang opisyal na laro sa Bahrain bilang bahagi ng kanilang ika-50 anibersaryo.
Kinumpirma ito ni Commissioner Willie Marcial matapos pirmahan ang kasunduan kasama si Bahrain Basketball Association president Alaa Mudara.
Ayon kay Marcial, tatlong PBA teams ang sasabak sa dalawang laro sa pagitan ng Disyembre 15-17.
Gayunman, hindi pa inilalabas ang mga pangalan ng mga koponang sasama sa okasyon habang inaayos pa ang opisyal na iskedyul ng Philippine Cup.
Ang format ay kahalintulad ng naging laro sa Dubai noong 2019 na dinaluhan ng Barangay Ginebra, NLEX, at San Miguel. Inaasahan na magiging masaya ang selebrasyon sa Bahrain lalo na’t kasabay ito ng kanilang National Day. GP/JC






