MANILA, Philippines – Umabot na sa 25 ang bilang ng mga nasawi dahil sa mga Bagyong Crising, Dante, Emong, at habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes ng umaga.
Siyam sa mga nasawi ay mula sa Metro Manila, tig-tatlo sa Calabarzon, Western Visayas, Negros Island Region, at Northern Mindanao, at tig-isa sa Central Luzon, Mimaropa, Davao Region, at Caraga.
Tatlo pa lamang ang nakumpirmang pagkamatay: isang biktima ng kuryente sa Meycauayan, Bulacan; isang natamaan ng bumagsak na puno sa Mambajao, Camiguin; at isang motorcycle rider na tinamaan ng bumagsak na puno sa Mainit, Surigao del Norte.
Kabuuang 3,849,624 katao o 1,065,779 pamilya ang naapektuhan sa buong bansa maliban sa Eastern Visayas.
Pinakamarami sa Central Luzon na umabot sa 2,296,607, sinundan ng Bicol na may 316,804 at Calabarzon na may 205,825. Sa kabuuan, 167,257 katao ang nasa evacuation centers habang 111,454 naman ang pansamantalang nakikituloy sa ibang lugar.
Umabot sa ₱3.98 bilyon ang pinsala sa imprastruktura, ₱366.9 milyon sa agrikultura, at ₱281.6 milyon sa irigasyon.
Nawasak ang 2,909 bahay—2,423 bahagyang sira at 486 lubos na nasira.
Patuloy pa rin ang aberya sa transportasyon at serbisyo: 105 pasahero at 20 barko ang stranded; 227 lamang sa 367 kalsadang apektado at 7 sa 24 na tulay ang madaanan; at karamihan ng komunikasyon ay hindi pa maibalik.
Naibalik na ang kuryente sa 117 sa 132 lugar at serbisyo ng tubig sa 3 sa 4 na lugar. Suspendido ang klase sa 1,043 lugar at trabaho sa 848 lugar. Santi Celario