Home NATIONWIDE SONA 2025, uulanin -PAGASA

SONA 2025, uulanin -PAGASA

288
0

MANILA, Philippines – Ang Southwest Monsoon, o habagat, ay patuloy na magdadala ng panaka-nakang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Hulyo 28, 2025—kabilang ang Metro Manila, kung saan nakatakdang ihatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).

Ayon sa pagtataya ng state weather bureau (PAGASA) nitong Linggo, ang Habagat ay inaasahang magdadala ng paminsan-minsang pag-ulan sa Rehiyon ng Ilocos, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

Sinabi din ng PAGASA na ang habagat ay magdadala ng maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, nalalabing bahagi ng Central Luzon, at nalalabing bahagi ng MIMAROPA.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay inaasahang makakaranas ng bahagya hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.

Ang Tropical Depression Emong ay lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) noong Sabado ng umaga, ngunit binabantayan ngayon ng PAGASA ang Severe Tropical Storm Krosa na nasa labas ng PAR.

Huling namataan si Krosa sa layong 2,395 kilometro silangan ng extreme northern Luzon, na may lakas ng hanging aabot sa 110 kph malapit sa gitna, at pagbugsong aabot sa 135 kph, kumikilos pahilaga sa bilis na 15 kph.

Ilang local government units (LGUs) ang nagsuspinde ng klase dahil sa sama ng panahon.

Sa Metro Manila, sinabi ng National Capital Region Police Office na halos 23,000 police personnel ang naka-deploy para sa security measures sa kaganapan.

Naka-lockdown na ang Batasang Pambansa Complex, kung saan ihahatid ni Marcos ang kanyang SONA, kung saan iniinspeksyon ng mga security personnel ang mga paparating na sasakyan, habang ipapatupad ang city-wide liquor ban.

Samantala, sinabi ng MMDA na magtatakda sila ng counterflow measures sa Commonwealth Avenue para matugunan ang trapiko.

Kung sakaling umulan, “Naiayos na natin ang drainage inlet sa Commonwealth,” ayon kay MMDA Chairman Romando Artes. “Temporarily lalagyan namin may mga mobile pumps tayo sa MMDA, tututukan muna namin para maibato, papunta sa creek ang tubig sa Commonwealth.”

Idaraos ang SONA ni Marcos pagkatapos ng mga araw ng pag-ulan mula sa Habagat gayundin ang Tropical Storms Crising, Dante at Emong na nakakaapekto sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa Luzon. Dahil sa malawakang epekto ng lagay ng panahon, nanawagan ang ilang sektor at opisyal na alisin na ang ilang tradisyon ng SONA, kabilang ang red carpet. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here