MANILA, Philippines – Nasa 20 porsiyento lamang ng mga ari-arian ni Vice President Sara Duterte ang idineklara niya sa kanyang SALN, ayon sa forensic accounting expert ng House prosecution sa pagpapatuloy ng impeachment trial.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Alexander Cabrera, chairman emeritus ng Isla Lipana & Co. (PwC Philippines), sa cross-examination ni defense counsel Kristine Ferrer sa ika-38 araw ng paglilitis.
Tinukoy ni Ferrer ang Table 17 ng forensic report ni Cabrera at tinanong kung 20 porsiyento lang ng mga ari-arian ang idineklara ni Duterte.
“On average po,” sagot ni Cabrera.
Ayon sa kanya, nakabatay ang natuklasan sa paraang ginamit ng kanyang team sa pagsusuri ng mga financial record ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Kinuwestiyon din ng depensa ang 20 porsiyentong capital interest na iniuugnay ni Cabrera kay Duterte sa GenCorp Industries Inc., na may limang Jollibee franchise sa Davao.
Inamin ni Cabrera na hindi niya sinuri ang mga stock certificate, subscription agreement, stock and transfer book, at franchise agreement ng kompanya. Pinanindigan pa rin niya ang pag-uugnay batay sa mga financial at corporate record na hawak ng kanyang team.
Tinanong din ni Ferrer ang mga advance na iniuugnay kay Carpio sa Cale88 Foods Corp. Ayon sa report ni Cabrera, P8.7 milyon ito noong 2022, P9.5 milyon noong 2023, P11.1 milyon noong 2024, at P9.5 milyon noong 2025.
Sinabi ni Cabrera na galing ang mga halaga sa financial statement ng kompanya. Hindi sinuri ng kanyang team ang mga dokumento ng utang o ang books of accounts.
“Only the financial statements po,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Cabrera na may humigit-kumulang P817.87 milyon na unexplained wealth sina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Bahagi ang kanyang mga natuklasan ng ebidensiya ng prosekusyon sa Article II ng impeachment complaint, na nag-aakusa kay Duterte ng unexplained wealth at hindi tamang pagdeklara ng kanyang mga ari-arian sa SALN. Gail Mendoza