NILAGDAAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang isang memorandum of agreement (MOA) nitong Hulyo 25, 2025 upang dalhin ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan nang mas malapit sa mga manggagawang Filipino sa pamamagitan ng “Yaman ng Kalusugan Program” o YAKAP.
Ang YAKAP ay isang pinalawak at mas digital na bersyon ng PHILHEALTH Konsulta Package na layong magbigay ng mas madali at komprehensibong akses sa pangunahing serbisyong medikal gaya ng check-up, laboratory tests, at preventive care.
Pinangunahan nina DOLE Secretary Bienvenido Laguesma at PHILHEALTH acting President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado ang pagpirma sa kasunduan. Sumaksi sa paglagda sina Assistant Secretaries Kristine Joy Diaz-Teston at Amuerfina R. Reyes, na kumatawan kay special assistant to the President Frederick Go at DOLE undersecretary Benjo Santos Benavidez, ayon sa pagkakasunod. Matapos ay pinangunahan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., ang YAKAP.
Nakasaad sa MOA, magsasagawa ang DOLE at PHILHEALTH ng mas pinaigting na kampanya upang ipaalam ang mga benepisyo ng YAKAP sa mga manggagawa at employer sa buong bansa. Layunin din ng programa na hikayatin ang mas maraming Filipino na gamitin ang kanilang PHILHEALTH benefits at maging aktibo sa pagpapanatili ng kanilang kalusugan.
“Pinalalapit natin ang healthcare system sa ating mga kababayan upang madali silang makapagpatingin at makakuha ng gamot na mas abot-kaya dahil sinasagot na ng PHILHEALTH,” pahayag ni Pangulong BBM.
“Sa pagpapatuloy ng YAKAP, ramdam ng taumbayan na ang pamahalaan ay kumikilos upang pagandahin ang ating healthcare system.”
Tiniyak din ni Secretary Laguesma na patuloy ang DOLE sa pakikipagtulungan kasama ang PHILHEALTH upang mas maabot ang mga manggagawa sa liblib na lugar na kulang ang akses sa serbisyong medikal.
Samantala, nanawagan si Dr. Mercado sa publiko na magparehistro sa YAKAP. Maaaring gamitin ng mga miyembro ng PHILHEALTH ang link nito sa eGovPH app upang makuha ang benepisyo mula sa mga accredited health provider.






