APAT na bagyo ang dumating sa Pilipinas sa buong buwan ng Hulyo 2025.
Sumobra sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na tatlo lamang at may nakaamba pa si Krosa na nasa silangan ng Tuguegarao City.
Pumatay ang apat na bagyo ng nasa 30 katao at may missing na marami.
Siyempre pa, kasama ang habagat ng mga bagyong Bising, Crising, Emong at Dante na pumipinsala sa ating buhay.
Gayunman, higit na nasa isipan ng milyon-milyong mamamayan ang mga pinagsamang pinsala sa buhay at ari-arian, kasama ang paghahanapbuhay, ang mga bahang nilikha ng mga bagyo at habagat.
Hanggang sa isinusulat ito, marami pa rin ang binabaha, lalo na ang mga tinatamaan ng high tide.
Sa bagyong Emong at habagat lamang na umabot sa signal number 4 ang lakas ng hangin, 1,295,808 or 4,679,046 tao ang nabaha sa iba’t ibang dako ng bansa.
May 49,992 pamilya na binubuo ng 179,231 tao ang nasa mga evacuation center habang tinitipa natin ito.
Hindi na natin isa-isahin pa ang napakabibigat na problemang nararanasan ng mga mamamayan at sapat na ang ilang kalagayan na dapat tandaan sa halos walang puknat na baha sa buong Hulyo.
Makaraang maistak sa 3-7 araw sa evacuation center, nadaratnan ng mga umuwi na sira na sa baha ang kanilang bahay o lahat ang kanilang mga gamit, kasama ang mga alaga nilang hayop.
Ang mga magsasaka, patay at lubog na sa putik ang kanilang mga pananim at alagang mga hayop.
Ang mga obrero, lalo na ang mga “no work, no pay”, kasama ang mga negosyante na tumigil ang operasyon, lugi lahat.
Resulta, naging grabe at pangunahing tatak ng masamang panahon ang malawakang gutom dahil hindi maipaabot ng gobyerno at iba pa ang mga ayudang pagkain sa tamang panahon.
Nasaan na nga pala ang mga anti-flood control project na may pondong ngayo’y P1 trilyon na sa mag-aapat taon nang pamahalaang Marcos?






