Home OPINION IMPEACH ‘DI PWEDE SA 20th CONGRESS – SC

IMPEACH ‘DI PWEDE SA 20th CONGRESS – SC

242
0

HINDI pupwedeng litisin ng ika-20 Kongreso ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang isang nilalaman ng dalawang kaso ni Duterte na pinagsama ng Supreme Court o SC para pagpasyahan at pinalabas nitong nakaraang Biyernes ng hapon.

Pinamagatan ang mga kaso na Duterte v. House of Representatives (HOR), Senate of the Philippines (SP), G.R. No. 278353 at Torreon, etal v. HOR and (SP), G.R. No. 278359, Hulyo 20, 2025.

LABAG SA KONSTITUSYON; NULL AND VOID AB INITIO

Sa mga huling bahagi ng desisyon na si Senior Associate Justice Marvic Leonen ang ponente o nagsulat, sinabi nitong nilabag ng ika-4 na complaint ang Konstitusyon at pinagkaitan si Duterte ng due process o patas na paglilitis kaya idineklara na rin itong null and void ab initio o walang saysay simula’t simula.

Ang ika-4 na complaint ang ipinarating sa Senado noong Pebrero 5, 2025.

Labag ang ika-4 na complaint sa Article 11, Section 1, paragraph 5, Konstitusyong 1987 na nagsasabing hindi pupwedeng sampahan ng mahigit isang kasong impeachment ang isang impeachable official sa loob ng isang taon.

Hiwalay at iba ang ika-4 na complaint sa naunang tatlong complaint na sunod-sunod na isinampa noong Disyembre 2024 ngunit in-archive o itinago sa baul ng House secretary general at speaker na walang diskresyon o kapangyarihang gawin ito hanggang sa abutan ang mga ito ng pagsasara ng sesyon ng ika-19 Kongreso kaya itinuring na silang “effectively terminated and dismissed”.

Dahil may nauna nang mga complaint at hiwalay at iba ang ika-4 na complaint, dito na nalabag ang nasabing pagbabawal sa pagsasampa ng mahigit isang complaint.

Sa “Summary”, Fifth (4) at (7)-(a) ng desisyon, ipinagdiinan ng SC ang karapatan ng respondent o si VP Duterte sa due process ngunit nilabag din ito ng ika-4 na complaint.

Paglilinaw pa ni AJ Ramon Paul Hernando, sinadya ng HOR ang paglalagay sa baul ng complaint upang mapaikutan nito ang isang taong pagbabawal.

Anya, inabuso ng House ang diskresyon nito nang hinayaan at inaprubahan nito ang secretary general na itago ang tatlong complaint sa baul.

Kinatigan naman nina AJ Samuel Gaerlan at Jhosep Lopez si Leonen ukol sa kawalan ng due process kay VP Sara kay null and void ang ika-4 na Articles of Impeachment.

HINDI PWEDENG TUMAWID SA IKA-20 KONGRESO

Pareho naman sina AJ Hernando at Henri Jean Paul Inting na nagsabing hindi pupwedeng tumawid ang impeachment sa ika-20 Kongreso na magsisimula sa Hulyo 28.

Anila, nang magsara ang ika-19 Kongreso noong Hunyo 30, 2025, kasama ang ika-4 na Articles of Impeachment na isinumite rito na “terminated and rendered inefficacious.”

Dahil sa kawalan na ng Articles of Impeachment, wala nang dahilan para magkaroon ng paglilitis.

Maliwanag naman sa desisyon na nagsasabing, “Consequently, the Senate DID NOT ACQUIRE jurisdiction to constitute itself into an impeachment court.”

Walang dahilan para itatag ng Senado ang sarili na impeachment court dahil labag sa Konstitusyon at null and void ab initio ang ika-4 na Articles of Impeachment.

Tanong: Babalewalain ba ng Senado ang unanimous decision ng Supreme Court?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here