Home NATIONWIDE Higit 100 pamilya na apektado ng sunog sa Tondo, agad inayudahan

Higit 100 pamilya na apektado ng sunog sa Tondo, agad inayudahan

251
0

MANILA, Philippines – BILANG bahagi ng “Bilis Kilos” na gobyerno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, agad nitong pinuntahan upang makapaghatid ng tulong sa higit 100 pamilya na naapektuhan ng naganap na malaking sunog sa Tondo, Maynila nitong Martes ng madaling araw.

Kasama ni Domagoso si Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente sa pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang nasunugan na pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Brgy. 93 sa Inocencio St. Tondo, pati na ang pagpapalista ng pangalan ng bawa’t pamilya para mabigyan naman sila ng P15,000 tulong pinansiyal.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog dakong alas-3:53 ng madaling araw sa ikalawang palapag ng bahay ng pamilya Guasis sa Victor Lopez Compound, Brgy. 93, Capulong Tondo, sa hindi pa batid na dahilan na tumupok sa mahigit 30 kabahayan at establisimiento.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ideklarang fire under control ng alas-5:35 ng umaga hanggang tuluyang maapula ng alas-7:03.

Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog na tumupok sa tinatayang P100,000.00 halaga ng mga ari-arian.

Agad na pinuntahan ni Dela Fuente ang nasabing lugar at kinausap ang mga pamilyang naapektuhan at sinabing sasagutin ng lokal na pamahalaan ang kanilang pagkain mula almusal hanggang hapunan na tatagal ng hanggang Biyernes.

Mamamahagi din umano sila sa mga biktima ng mga blanket, hygiene kit, at iba, kasabay ng payo sa mga residente na magdasal at huwag mawalan ng pag-asa dahil tutulungan sila ng gobyerno upang makabangon muli. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here