BULACAN, Philippines – Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang 35 anyos na armadong mister matapos ireklamo nang pambubugbog ng kanyang misis sa bayan ng Angat nitong Hulyo 28.
Kinilala ang kargadong suspek na si alyas “Eddie”, habang ang biktimang misis ay pawang 34 anyos kapwa residente ng Brgy. Taboc.
Sa report ng Angat police station, naaresto ng mga awtoridad ang suspek nitong gabi ng Lunes sa Brgy. Sulucan.
Ayon kay PCPT Jayson Viola, hepe ng istasyon ng pulisya, nagsumbong ang misis ng suspek sa kanilang istasyon dahil sa pisikal at berbal na pananakit ng mister.
Dahil dito, agad rumesponde ang mga awtoridad kaya naaresto ang suspek na nakumpiskahan ng 9mm Pietro Beretta na may magazine at siyam na bala.
Nasa kustodiya ng istasyon ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). (Dick Mirasol III)