LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ayon kay Manuel Lukban Jr., pinuno ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), dalawang lalaki na pinaniniwalaang lasing ang nalunod sa magkahiwalay na insidente sa Bulacan, dahil ang lungsod na ito at iba pang baybayin sa lalawigan ay nanatiling baha at nasa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng mga bagyong “Crising,” “Dante,” at “Emong,” na sinamahan pa ng habagat at high tide.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Kenneth Rendon, 22, ng Barangay Calero sa Malolos City. Nawala si Rendon bandang 4 p.m. noong Linggo habang nangingisda sa malapit na ilog kasama ang dalawang kasama.
Ayon sa mga ulat, bumaba si Rendon sa kanilang bangka para umihi sa ilog at nagtangkang lumangoy pabalik, nagawang nitong makalangoy ng halos apat na metro bago biglang lumubog at hindi na nakaahon.
Agad na inalerto ng kanyang mga kasama ang Malolos City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), na nagpasimula ng search operation sa tulong ng PDRRMO. Narekober ang kanyang katawan dakong alas-9 ng umaga noong Lunes matapos ang ilang oras na paghahanap.
Sa isa pang insidente, natagpuang patay si Vicente Melo, 67, sa loob ng binaha nitong tahanan sa Purok 5, Barangay Frances, bayan ng Calumpit, nitong Lunes ng umaga. Nadiskubre ang kanyang bangkay na lumulutang malapit sa hagdanan bandang alas-8 ng umaga, ilang oras matapos iulat na nawawala bandang alas-3 ng umaga.
Ayon sa salaysay ng isang kamag-anak, nakainom si Melo ng alak bago ang insidente. Naniniwala ang mga awtoridad na maaaring nahulog siya mula sa hagdan at nalunod.
Isinailalim na sa state of calamity ang ilang bahagi ng Bulacan dahil patuloy na nakakaapekto ang malawakang pagbaha sa maraming munisipalidad at lungsod dahil sa sunud-sunod na bagyo at pagtaas ng tubig. RNT/MND