MANILA, Philippines – Nanawagan si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ilipat sa pamamahala ng mga local government unit (LGUs) ang mga operasyon at pagmementina ng mga flood control infrastructure, bunsod na din sa pagkabigo ng mga pambansang ahensya sa mga proyekto na nilayon upang mabawasan ang pagbaha sa kabisera ng bansa.
“If you give the mayor the authority, you get action and accountability. Let us handle it, because we face the people every day. And when we fail, there’s no one else to blame,” giit ni Domagoso.
Ikinadismaya din ni Domagoso ang patuloy na pagkasira ng flood control systems sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular na ang Sunog Apog pumping station sa Tondo.
“It’s brand new and unusable. Brand new and ineffective. Brand new and not functioning. You name it,” aniya, na binanggit na ang maling konstruksyon ay naging dahilan upang ang nasabing pumping station ay hindi makapaglingkod sa mga komunidad na madaling bahain.
Umapela si Domagoso na dapat pahintulutan ng pambansang pamahalaan ang mga LGU na magpatakbo ng naturang imprastraktura, at sinabing ang mga lokal na opisyal ay mas may pananagutan sa mga taong kanilang pinaglilingkuran.
“If you let the mayor run it and it fails, there’s direct responsibility. In three years, if we mess up, we’re done,” ani Domagoso.
Pinuri naman ni Domagoso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa epektibong operasyon ng 72 pumping station sa buong Metro Manila, kabilang ang 24 sa Lungsod ng Maynila.
Giit pa ni Domagoso, ang DPWH ay may ₱34 bilyon na badyet sa flood control para sa National Capital Region, habang pinapanatili ng MMDA ang mga pumping station nito sa ilalim ng ₱2 bilyon na taunang badyet, ngunit ang huli ay naghahatid ng mga gumaganang sistema.
Sinabi rin ng Alkalde na tama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na punahin ang katiwalian at kapabayaan sa mga programa sa pagkontrol sa baha sa kanyang State of the Nation Address, kung saan nangako ang Punong Ehekutibo na hahabulin ang mga opisyal at kontratista na responsable sa mga bigong proyekto o mga ghost project. JAY Reyes