MANILA, Philippines – Nakatakdang talakayin sa darating na Biyernes, Agosto 1, ang planong convergence budgeting para sa isang drainage master plan sa Metro Manila kasama ang kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na ang pulong ay dadaluhan ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources, at National Irrigation Administration.
Ito’y matapos tukuyin ng Kalihim ang mga usapin na may kinalaman sa drainage system designed para mapagaan ang tuloy-tuloy na pagbaha sa metropolis.
“‘Yung ating drainage system at least for Metro Manila parang mga 50 years ago tapos ayun nga, hindi magkakatugma,” ayon kay Pangandaman sa isang panayam matapos inspeksyunin ang Vitas Pumping Station sa Tondo, Manila kasama si MMDA chairperson Don Artes.
“May areas na mas malaki, may areas na maliit. So, syempre, ‘pag malaki yung dating na tubig, sa maliit, ma-choke siya. Babaha na naman,” aniya pa rin.
Ang Vitas Pumping Station ay bahagi ng 4th phase ng Metro Manila Flood Control Project.
Ang pumping station, kamakailan lamang ay inayos ng DPWH, nakatukod sa flood mitigation efforts sa panahon ng matindi at malakas na pag-ulan at kasalukuyang nagtataglay ng limang pumps at tatlong flood gates.
Sa kabilang dako, sinabi ni Pangandaman na ang flood control projects sa Metro Manila ay maaaring gayahin sa flood-prone areas gaya ng Pampanga.
Isinagawa ang pag-inspeksyon matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA), araw ng Lunes, ang isang ‘comprehensive audit’ ng flood control projects, kinastigo naman ng Pangulo ang maling paggamit ng pondo dahilan para hindi maging epektibo ang ‘flood mitigation measures.’
Samantala, sinabi pa ng Kalihim na nais ni Pangulong Marcos ang mahigpit na pagmo-monitor ng flood mitigation projects.
Aniya, sa lalong madaling panahon ay magsusumite naman ng report hinggil sa flood control projects ang DBM at ang mga implementing agencies kay Pangulong Marcos /Kris Jose