NAKATAKDANG talakayin ng Department of Energy (DOE), kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno, ang pagsama ng mas maraming benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Lifeline Rate program.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, sa isinagawang post-State of the Nation Address (SONA) discussion sa San Juan City noong Miyerkules, na 330,000 lamang sa kabuuang 4.5 milyong 4Ps beneficiaries ang kasalukuyang naka-enrol sa discounted power rate program.
Iniugnay ito ni Garin sa mga aberya sa pag-a-apply para sa subsidized electricity rate program, na nakalaan para sa mga sambahayang kumokonsumo ng mas mababa sa 100 kilowatt-hours (kWh) kada buwan.
Para makapag-apply sa programa, kailangang magsumite ng application form ang kuwalipikadong power consumers sa kanilang distribution utility (DU), kasama ang identification card na may lagda at address na saklaw ng DU.
Samantala, ang mga non-4Ps beneficiaries ay kailangang kumuha ng sertipikasyon mula sa kanilang lokal na Social Welfare and Development Office (SWDO) na magpapatunay na kabilang sila sa mga sambahayang mababa sa poverty threshold.
Sinabi pa ni Garin na bukod sa mga nasabing dokumento, kailangan ding gumastos ng mga aplikante para sa pamasahe papuntang DUs.
Ayon sa kalihim, pag-uusapan ng DOE at National Electrification Administration (NEA), kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang mga paraan para awtomatikong maisama ang mga 4Ps beneficiaries at ang mga nasa Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) sa programa.
“So pag-uusapan po naman ang sistema para mapalawak po ang coverage ng Lifeline Rate,” ayon kay Garin.
Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inanunsyo ng Chief Executive ang pagpapalawak ng Lifeline Rate upang mas maraming pamilyang mababa ang kita ang makinabang, hindi lamang ang mga benepisyaryo ng 4Ps.
“Habang inaayos natin ang kumplikado nating sistema ng enerhiya sa bansa upang mapababa ang presyo, pinapalawig pa natin ang Lifeline Rate,” ani Pangulong Marcos.
“Bukod sa mga miyembro ng 4Ps, kasama na rin ngayon ang mga pamilyang nasa Listahanan na maliit lamang ang kinikita at ang konsumo naman ay hindi lumalagpas sa Lifeline Rate,” dagdag pa niya.
Basta’t pasok sa itinakdang konsumo, maaari na silang makinabang sa diskwento sa kuryente.
“Kasama na rin ang mga pamilyang nasa listahan ng mga low-income earners na hindi lumalagpas sa Lifeline Rate,” ayon sa Pangulo.
Ipinopromote din ng gobyerno ang Net Metering Program na nagbibigay-daan sa mga kabahayan na gumamit ng renewable energy gaya ng solar panels upang makatipid sa kuryente.
Samantala, ang Lifeline Rate ay isang subsidized rate para sa mga kuwalipikadong mahihirap na pamilya, at isa lamang service account kada household ang pinapayagang makinabang sa programa. Kris Jose