MANILA, Philippine – Nanawagan ang Department of Health (DOH) ng pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs), health workers, at civil society groups upang tumulong na maabot ang annual immunization goal na mabakunahan ang 95 porsiyento ng halos dalawang milyong batang Pilipino laban sa mga preventable diseases.
Binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa ang pangangailangang kumpletuhin ang iskedyul ng pagbabakuna para sa mga bata, na kinabibilangan ng proteksyon laban sa tigdas, beke, rubella, polio, hepatitis, diphtheria, at iba pa.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), inatasan ng Pangulo ang DOH na kumpletuhin ang immunization program sa lalong madaling panahon upang maabot ang vaccination target ng bansa.
Upang maisakatuparan ito, maglulunsad ang DOH ng kampanya para sa mga batang mag-aaral sa Setyembre at Oktubre na magbibigay ng measles-rubella, tetanus-diphtheria, at HPV vaccines.
Umaasa rin si Herbosa sa suporta ng mga barangay health worker na bumubuo sa mga vaccine team upang hanapin ang mga batang hindi pa nababakunahan o kulang sa bakuna sa pamamagitan ng inisyatibang Purok Kalusugan, na naglalayong tukuyin ang immunization gaps sa saklaw ng pagbabakuna at tiyaking makukumpleto ng mga bata ang kanilang mga iskedyul ng bakuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden