Home METRO CPD naalarma sa pagtaas ng adolescent pregnancy

CPD naalarma sa pagtaas ng adolescent pregnancy

243
0

ILOILO City, Philippines – Naalarma ang Commission on Population and Development (CPD) sa pagtaas ng pagbubuntis ng mga kabataan, partikular na sa 15 taong gulang, na nakakaapekto hindi lamang sa kanilang kalusugan kundi maging sa kanilang edukasyon.

Sinabi ni CPD Planning, Monitoring, and Evaluation Division Chief Mylin Mirasol Quiray, sa Visayas Media Conference na pinangunahan ng Department of Health (DOH) sa Iloilo, na ang bilang ng mga rehistradong live birth sa mga kabataan na may edad 0-14 ay tumaas mula 2019 hanggang 2023.

“The fact that it is increasing is very alarming,” saad niya.

Sa pagbanggit ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi niyang isa sa bawat sampung sanggol ay ipinanganak sa isang nagdadalagang ina noong 2023.

Ngunit habang ang live birth ay bumababa para sa nasa edad na 15 hanggang 19, ito ay tumataas para sa 14 taong gulang pababa.

Ang pambansang datos ay nagpakita na sa 150,138 na nagdadalagang ina noong 2022, 3,135 ay mas mababa sa 15 taong gulang. Noong 2023, sa 142,275 na nagdadalagang ina, 3,343 ay mas mababa sa 15 taong gulang.

Sa Kanlurang Visayas, tumaas ang mga live birth sa pagitan ng edad 10 hanggang 14 sa nakalipas na limang taon, mula 85 noong 2019 hanggang 111 noong 2022, at 103 noong 2023.

Sinabi ni Quiray na ang mga lokal na opisyal, partikular ang Sangguniang Kabataan, ay hinihikayat na unahin ang mga programa sa reproductive health upang makatulong na matugunan ang dumaraming adolescent pregnancy at mental health issues.

“Our young people need information and reproductive health education. Our Sanggunian Kabataan should be aware that their money can be put to good use if they have reproductive health education,” aniya.

Idinagdag ni Quiray na maaari silang gumawa ng polisiya para matiyak ang budget at sustainability ng kanilang reproductive health program.

Ang kanilang panawagan ay sa pagpapalakas ng pagpaplano ng pamilya at pagiging responsableng  magulang para sa magandang kalidad ng buhay. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here